Sunday, August 21, 2016

Ang Matalinong Matsing at Ang Buwaya

Si Malak, ang matsing at si Buwag, ang buwaya ay magkaibigan. Sila ay nagtutulungan.
Isang araw, ang asawa ni Buwag ay nagkasakit. Lungkot na lungkot si Buwag sa ka lagayan ng asawa. Lahat ng gumagamot sa asawa niya ay nagsabing ang makagagaling lamang sa sakit ng kaniyang asawa ay atay ng isang matsing.
Naghanap si Buwag ng maipanlulunas sa karamdaman ng kanyang asawa, Malapit na siya sa isang ilog nang mamataan niya ang kaibigang matsing, si Malak. Lumapit siya sapunong kinauupuan ni Malak.
"Magandangg umaga sa iyo, Malak!" masayang bati ni Buwag. "Bakit malungkot ka at nakaharap sa ilog?"
Nais ko sanang tumawid ng ilog pero di ko magawa dahil sa hindi ako marunong lumangoy." sagot ni Malak.
Biglang pumasok sa isip ni Buwag ang kaniyang pangangailangan. Naisip niyang isakay sa likod niya si Malak at lunurin ito sa ilog para makuha niya ang atay nito. Inalok niya si Malak na sumakay sa kanya at itatawid niya ito. Dali-daling lumundag si Malak sa likod ni Buwag. Hindi alam ni Malak na nanganganib ang kanyang buhay.
Nasa kalagitnaan na sila ng ilog nang sabihin ni Buwag ang balak niyang gawin kay Malak. Natakot si Malak. Unti-unti nang inilulubog ni Buwag ang katawan sa ilog nang mag salita si Malak.
"Kaibigang Buwag, ibalik mo ako sa pinanggalingan ko, naiwan ko doon ang kailangan mong atay. Nakasabit iyon sa sanga ng puno." Sabi ni Malak.
Naniwala naman ang buwaya sa sinabi ng matsing kaya't ibinalik niya ito. Agad na lumundag sa itaas ng puno si Malak. Tumayo siya sa isang sanga at nagsalita, "Salamat sa pagsasakay mo sa akin. Ang kai1angan mong atay ay narito sa loob ng aking katawan. Dahil sa kaibigan kita ay ipagkakaloob ko ito sa iyo kung makakaakyat ka rito sa itaas ng puno."
Ginawa ni Buwag ang lahat ng makakaya niya subalit hindi siya makaakyat sa itaas ng puno. Lumisan ang buwayang bigo sa masamang hangarin sa matsing.

Alamat ng Pinya

Si Aling Rosa ay isang balo. Siya ay may sammpung taong gulang na anak na babae, si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang anak. Nais niyang lumaking bihasa sa gawaing bahay ang anak. Tinuturuan niya si Pinang sa mga gawaing-bahay.
Dahil sa nag-iisang anak, ayaw gumawa si Pinang lagi niyang ikinakatwiran na alam na niyang gawin ang anumang itinuturo ng kanyang ina. Pinabayaan lang siya ng kanyang ina.
Isang araw ay nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa sa bahay. Napilitan si Pinang na gumawa ng gawaing-bahay. Inutusan siya ng ina niya na magluto siya ng lugaw. Kumuha si Pinang ng ilang dakot na bigas, inilagay sa palayok at hinaluan ng tubig. Isinalang niya ito sa ibabaw ng apoy. Iniwan niya ang niluluto at naglaro na. Dahil sa kapabayaan, ang ilalim ng bahagi ng lugaw ay namuo at dumikit sa palayok. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa. Kahit papaano nga naman ay napagsilbihan siya ni Pinang.
Nanatili sa higaan ang matandang babae gn ilang araw pa. Si Pinang ang napilitang gumawa ng mga gawaing-bahay. Isang araw, sa paghahanda ng pagluluto, hindi makita ni Pinang ang sandok. Lumapit siya sa ina at nagtanong. Nasuya na ang ina sa katatanong ni Pinang. "Naku, Pinang sana'y magkaroon ka ng maraming mata upang lahat ng bagay ay makita mo at hindi ka tanong nang tanong!"
Dahil galit ang ina, hindi na umimik si Pinang. Umalis siya upang hanapin ang sandok. Kinagabihan, nabahala si Aling Rosa nang hindi pa bumalik ang anak. Nagpilit siyang bumangong upang kumain. Tinawag niya ang anak nguni't walang lumalapit sa kanya.
Isang umaga, nagwawalis ng bakurang si Aling Rosa nang may makita siyang isang uri ng halaman na tumubo sa silong ng kanilang bahay. Hindi niya alam kung anong uri ng halaman iyon. Binunot niya at itinanim sa kanyang halamanan. Lumaki ang naturang halaman at di nagtagal ay namunga ito. Nagulat si Aling Rosa sa anyo ng bunga. Ito ay hugis ulo ng tao na napapalibutan ng mata.
Biglang naalala ni Aling Rosa ang huling sinabi niya sa nawawalang anak na magkaroon sana siya ng maraming mata upang makita ang kanyang hinanap. Tahimik na nanangis si Aling Rosa. Noon niya napagtanto na tumalab kay Pinang ang kanyang sinabi. Gayunpaman, inalagaang mabuti ni Aling Rosa ang halaman at tinawag niya itong Pinang bilang pag-alaala sa kanyang anak. Nang maglaon ang bunga ito ay tinawag na "Pinya."

TIKBALANG


“Ate, totoo bang may tikbalang? Pananakot lamang iyon para magbait ang mga bata, hindi ba?” tanong ni Edith sa panganay na kapatid.
“E sabi ni Tiyo Jose mayroon nga raw. Kasama pa raw siya noong makahuli sila nito.”
“Sige nga, Ate, ikuwento mo sa amin ang nangyari,” pakiusap naman ng bunsong si Teresa.
“O, halikayo at makinig kayo.”
Mayroon raw sa baryo nina Tiyo Jose na isang napakagandang dalagang nagngangalang Linda. Ang dami raw lumiligaw dito dahil bukod sa maganda na ay mabait pa.
Ngunit sa dinami-rami ng taga-baryong nangingibig sa kanya, walang nagpapatibok sa kanyang puso. Isang araw, may nakilala ang dalaga na binatang taga-Maynila, guwapo, matangkad, at mukhang kagalang-galang. Maraming mga dalagang nayon ang nahalina kay Roberto nguni’t ang napaglaanan nito ng pagtingin ay si Linda.
Ang pamimintuho ng binata ay sinuklian din ng pagmamahal ng dalaga kaya’t hindi nagtagal at sila’y ikinasal. Maligayang mga araw, ang nagdaan sa mag-asawang lubos ang pagmamahalan.
Ang naging supling ng kanilang pagmamahalan ay isang magandang batang babae na pinangalanang Ligaya. Nguni’t sa maaliwalas nilang langit ay dumating ang madilim na ulap. Nagkasakit si Linda at di-naglaon ay pumanaw. Naiwan ang mag-amang parang binagsakan ng sangmundong kapighatian.
Isang gabi nang binibigyan ni Roberto ang sanggol ng bote ng gatas, naramdaman niyang may dumating na tao sa kanyang likuran. Laking mangha niya nang makita sa pintuan ng silid ang asawa na kalilibing pa lamang nila noong nagdaang linggo. Hindi ito nagsasalita ngunit nakaunat ang mga kamay at waring hinihingi ang bata.
“Huwag, Linda, ikaw ay patay na. Hindi maaari!” Hinigpitan ni Roberto ang pagkapangko sa bata at umiiling.
Umalis ang babae, ngunit sa sunod na gabi ay naroon uli. Lalong mahigpit ang pagtanggi ni Roberto na iabot ang bata. Nguni’t hindi siya makatulog sa malaking takot at pagtataka. Nang nangyari uli sa ikatlong gabi, naisip niyang sumangguni sa mga matatandang taga-nayon.
“Hindi multo ni Linda iyon, Roberto. Tikbalang iyon na nag-aanyong tulad ng asawa mo. May mga tikbalang diyan sa ating parang. Doon sa mga puno ng lumbang sila natutulog pag-araw at sa gabi lumalabas.”
“Tunay po bang may tikbalang? Akala ko po’y mga istorya lang iyon,” takang-takang tanong ni Roberto.
“Totoong may tikbalang. Kilala mo ba si Karyong sintu-sinto? Kaya naging ganoon ang taong iyon ay dahil nakuha iyon ng tikbalang noong bata pa. Nawala nang dalawang araw at natagpuan ng ama sa ilalim ng puno ng lumbang.”
“Naku, ano po ang aking gagawin? Gabi-gabi po ay lalong humihigpit ang pamimilit niyang makuha ang bata,” halos maiyak-iyak si Roberto.
“Hayaan mo’t paghahandaan natin,” pangako ng matanda.
Nang gabing iyon, dumating sa dating oras ang tikbalang na mukhang si Linda. Nang dudukwangin na sana nito ang batang pangko ni Roberto, biglang naglabasan sa silid ang mga lalaki. Nagitla ang tikbalang at dagling tumalon sa bintana.
Ngunit sa ibaba ay nakahanda rin ang ilang taong bigla siyang nasunggaban sa buhok. Pinagtulung-tulungan nila itong iginapos sa puno ng niyog. Hinampas nang hinampas hanggang magsisigaw ito sa paghingi ng awa.
“Patawarin! Aalis na ako rito sa lugar ninyo, pakawalan lamang ninyo ako. Isasama ko lahat ng mga kampon ko. Lalayo na kami at di na kayo gagambalain. Maawa kayo.”
Sa kasisigaw nito at sa pangakong di na maninikbalang uli, naawa ang mga lalaking nayon at pinaalpasan na rin ang maligno.
Buhat nga noon, wala nang tikbalang pang nabalitaan sa baryo. Ang batang si Ligaya ay lumaki’t naging isang mabait at magandang babaeng tulad ng ina. Kahit nang mag-asawa siya ay di niya iniwan ang ama at inalagaan niya ito hanggang sa katandaan.
“Ang ganda ng kwento mo, pero nakakatakot, Ate,” sabi ni Edith. “Baka kami hindi makatulog.”
“Magdasal muna kayo bago mahiga,” paalala ng panganay, “kung hindi, sige, dadalawin kayo ng mga tikbalang!”